Deuteronomio 28:17-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Susumpain niya ang inyong mga ani at pagkain.

18. Susumpain niya kayo sa pamamagitan ng pagbibigay sa inyo ng kaunting anak, ani, at hayop.

19. Susumpain niya ang lahat ng gagawin ninyo.

20. Maguguluhan at malilito kayo sa lahat ng gagawin ninyo hanggang sa malipol kayo at tuluyang mawala, dahil sa masama ninyong ginagawa sa pamamagitan ng pagsuway sa kanya.

21. Padadalhan kayo ng Panginoon ng mga salot hanggang sa mamatay kayo roon sa lupain na titirhan at aangkinin ninyo.

22. Pahihirapan kayo ng Panginoon sa sakit na hindi gumagaling, lagnat, pamamaga, mainit na hangin, mahabang tagtuyot, at peste sa mga halaman hanggang sa mamatay kayo.

23. Magiging parang tanso ang langit na hindi magbibigay ng ulan at ang lupa ay matutuyo at magiging kasintigas ng bakal.

24. Sa halip na tubig ang ibigay ng Panginoon sa inyo bilang ulan, alikabok ang ibibigay niya. Pauulanin niya ng alikabok hanggang sa mamatay kayo.

25. “Ipapatalo kayo ng Panginoon sa inyong mga kaaway. Sama-sama kayong sasalakay sa kanila, pero magkakanya-kanya kayo sa pagtakas. Magiging kasuklam-suklam kayo sa lahat ng kaharian sa mundo.

Deuteronomio 28