4. “Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.
5. “Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.
6. “Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay.
7. Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.
8. “Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.
9. “Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.
10. “Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo.
11. Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.
12. “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.
13. “Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa
14. at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’
15. Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila.
16. At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko.
17. Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo.
18. Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan.
19. Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.
20. “Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae,
21. dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.