Deuteronomio 10:12-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. “At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa,

13. at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.

14. “Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito.

15. Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon.

16. Kaya baguhin ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo.

17. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol.

18. Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan sila ng pagkain at mga damit.

19. Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.

Deuteronomio 10