Daniel 6:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pumili si Haring Darius ng 120 gobernador para mamahala sa kanyang buong kaharian.

2. Ang mga gobernador na itoʼy nasa ilalim ng pamamahala ng tatlong administrador, at isa sa kanila ay si Daniel. Ginawa ito para hindi mahirapan sa pamamahala ang hari.

3. Si Daniel ang natatangi sa kanilang lahat dahil sa kanyang pambihirang kakayahan, kaya binalak ng hari na siya ang gawing tagapamahala ng buong kaharian.

4. Dahil dito, ang dalawa pang kasama niyang administrador at mga gobernador ay naghanap ng kamalian sa pamamahala ni Daniel para paratangan siya. Pero wala silang makita, dahil si Daniel ay tapat sa kanyang tungkulin at maaasahan.

5. Kaya sinabi nila, “Wala tayong maipaparatang sa kanya maliban kung hahanap tayo ng kasalanan na may kaugnayan sa Kautusan ng kanyang Dios.”

6. Kaya pumunta sila sa hari at sinabi, “Mahal na Hari!

7. Kaming mga administrador, mayor, gobernador, tagapayo, at mga komisyoner ng inyong kaharian ay nagkasundong hilingin sa inyo na gumawa ng kautusan na sa loob ng 30 araw ay walang mananalangin sa sinumang dios o tao maliban sa inyo. At dapat itong sundin, dahil ang sinumang susuway sa utos na ito ay itatapon sa kulungan ng mga leon.

8. Kaya Mahal na Hari, magpalabas na po kayo ng ganoong kautusan. Ipasulat nʼyo po at lagdaan para hindi na mabago o mapawalang-bisa ayon sa kautusan ng ating kahariang Media at Persia.”

9. Pumayag si Haring Darius, kaya nilagdaan niya ang kautusang iyon.

10. Nang malaman ni Daniel na lumagda ang hari, umuwi siya at pumunta sa kanyang silid na nasa itaas na bahagi ng bahay, kung saan nakabukas ang bintana na nakaharap sa Jerusalem. Doon lumuhod siya, nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Dios, tatlong beses sa isang araw, ayon sa kanyang nakaugalian.

11. Pero sinusubaybayan pala siya ng mga opisyal na kumakalaban sa kanya, at nakita nila siyang nananalangin at nagpupuri sa kanyang Dios.

Daniel 6