Colosas 1:4-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Sapagkat nabalitaan namin ang pananampalataya nʼyo bilang mga nakay Cristo Jesus at ang pag-ibig nʼyo sa lahat ng mga pinabanal ng Dios,

5. dahil umaasa kayong makakamtan ninyo ang mga inilaan para sa inyo sa langit. Ang pag-asang itoʼy una ninyong narinig nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita.

6. At ang Magandang Balitang itoʼy lumalaganap at lumalago sa buong mundo, katulad ng nangyari sa inyo noong una ninyong marinig at maunawaan ang katotohanan tungkol sa biyaya ng Dios.

7. Natutunan nʼyo ito kay Epafras na minamahal namin at kapwa lingkod ng Panginoon. Isa siyang tapat na lingkod ni Cristo, at pumariyan siya bilang kinatawan namin.

8. Siya ang nagbalita sa amin tungkol sa pag-ibig nʼyo na ibinigay ng Banal na Espiritu.

9. Kaya nga, mula nang mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, patuloy namin kayong ipinapanalangin. Hinihiling namin sa Dios na bigyan nawa kayo ng karunungan at pang-unawang mula sa Banal na Espiritu para lubusan ninyong malaman ang kalooban niya.

10. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang karapat-dapat at kalugod-lugod sa Panginoon sa lahat ng bagay. At makikita na lumalago kayo sa mabubuting gawa at sa pagkakakilala sa Dios.

11. Nawaʼy palakasin niya kayo sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan, para makatagal at makapagtiis kayo sa lahat ng bagay nang may kagalakan.

Colosas 1