18. Pero ang mga babaeng hindi pa nasisipingan ay itira ninyong buhay para sa inyo.
19. Ang lahat sa inyo na nakapatay o nakahipo ng patay ay kailangang manatili sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sa ikatlo at ikapitong araw, kailangang maglinis kayo at ang inyong mga bihag.
20. Linisin ninyo ang lahat ng damit ninyo, pati ang lahat ng kagamitang gawa sa balat o sa balahibo ng kambing o sa kahoy.”
21. Pagkatapos, sinabi ng paring si Eleazar sa mga sundalo na nagpunta sa labanan, “Ito ang tuntunin ng kautusang ibinigay ng Panginoon kay Moises:
22-23. Ang anumang bagay na hindi nasusunog gaya ng ginto, pilak, tanso, bakal, lata o tingga ay kailangang ilagay sa apoy para maging malinis ito. Pagkatapos, hugasan ito ng tubig na ginagamit sa paglilinis. Ang kahit anong hindi nasusunog ay hugasan lang sa tubig na ito.
24. Sa ikapitong araw, kailangang labhan ninyo ang inyong mga damit at ituturing na kayong malinis, at makakapasok na kayo sa kampo.”
25. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
26. “Bilangin ninyo ni Eleazar na pari at ng mga pinuno ng kapulungan ang lahat ng tao at hayop na nabihag.
27. Hatiin ninyo ito sa mga sundalo na nakipaglaban at sa kapulungan ng Israel.
28. Mula sa bahagi ng mga sundalo, magbukod ka ng para sa Panginoon, isa sa bawat 500 bihag, tao man o baka, asno, tupa, o kambing.
29. Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang bahagi ng Panginoon.
30. Mula sa parte ng mga Israelita, magbukod ka ng isa sa bawat 50 bihag, tao man o baka, asno, tupa, kambing o iba pang mga hayop. Ibigay ito sa mga Levita na siyang responsable sa pangangalaga sa tolda ng Panginoon.”
31. Kaya ginawa ni Moises at ng paring si Eleazar ang iniutos ng Panginoon kay Moises.
32-35. Ito ang nasamsam ng mga sundalo sa digmaan: 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno at 32,000 babaeng hindi pa nasipingan.
36-40. Ito ang kalahati ng parte ng mga sundalong nakipaglaban. 337,500 tupa na ang 675 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 36,000 baka na ang 72 nito ay ibinigay para sa Panginoon; 30,500 asno na ang 61 nito ay ibinigay para sa Panginoon; at 16,000 dalaga na ang 32 nito ay ibinigay para sa Panginoon.
41. Ibinigay ni Moises sa kay Eleazar na pari ang bahagi para sa Panginoon ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.