Bilang 3:3-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Pinili sila at inordinahan para sa paglilingkod bilang mga pari.

4. Pero sina Nadab at Abihu ay namatay sa presensya ng Panginoon nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa paghahandog sa Panginoon doon sa disyerto ng Sinai. Namatay silang walang anak, kaya sina Eleazar at Itamar lang ang naglingkod bilang mga pari habang nabubuhay pa si Aaron.

5. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

6. “Ipatawag ang lahi ni Levi at dalhin sila sa paring si Aaron para tumulong sa kanya.

7. Maglilingkod sila kay Aaron at sa mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawain sa Toldang Sambahan, na tinatawag din na Toldang Tipanan.

8. Sila rin ang mangangalaga ng lahat ng kagamitan ng Toldang Tipanan, at maglilingkod sa Toldang iyon para sa mga Israelita.

9. Itatalaga ang mga Levita para tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki.

10. Si Aaron at ang mga anak niya ang piliin mo na maglilingkod bilang mga pari. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.”

11. Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,

12. “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Akin ang bawat Levita,

13. dahil akin ang bawat panganay. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel, tao man o hayop. Kaya akin sila. Ako ang Panginoon.”

14. Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai,

15. “Bilangin mo ang mga lalaking Levita mula sa edad na isang buwan pataas, ayon sa kanilang pamilya.”

16. Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

17. Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari.

18. Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei.

19. Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel.

20. Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.

21. Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei.

22. Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500.

Bilang 3