Bilang 3:16-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

17. Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari.

18. Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei.

19. Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel.

20. Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.

21. Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei.

22. Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500.

23. Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa likod ng Toldang Sambahan, sa bandang kanluran.

24. Ang kanilang pinuno ay si Eliasaf na anak ni Lael.

25. Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga kagamitang ito sa Toldang Tipanan: Ang mga pantaklob, ang kurtina ng pintuan ng Tolda,

26. ang mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda at sa altar, pati ang kurtina ng pintuan ng bakuran, at ang mga tali. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.

27. Ang mga angkan ni Kohat ay ang mga pamilya na nanggaling kina Amram, Izar, Hebron at Uziel.

28. Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 8,600. Binigyan sila ng responsibilidad na asikasuhin ang Toldang Tipanan.

29. Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa bandang timog ng Toldang Sambahan.

30. At ang pinuno nila ay si Elizafan na anak ni Uziel.

Bilang 3