1. Pagkatapos ng salot, sinabi ng Panginoon kina Moises at Eleazar na anak ng paring si Aaron,
2. “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang pamilya – lahat ng may edad na 20 taon pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo ng Israel.”
3. Kaya nakipag-usap sina Moises at Eleazar na pari sa mga Israelita roon sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.
4. Sinabi niya sa kanila, “Isensus ninyo ang mga taong may edad na 20 taon pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.”Ito ang mga Israelitang lumabas sa Egipto:
5. Ang mga lahi ni Reuben na panganay na anak ni Jacob, ay ang mga pamilya nina Hanoc, Palu,
6. Hezron at Carmi.
7. Sila ang mga pamilyang nanggaling kay Reuben; 43,730 silang lahat.
8. Ang anak ni Palu ay si Eliab,
9. at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Itong sina Datan at Abiram ay ang mga pinuno ng kapulungan na sumama kay Kora sa pagrerebelde sa Panginoon sa pamamagitan ng paglaban kina Moises at Aaron.
10. Pero nilamon sila ng lupa kasama ni Kora, at nasunog ng apoy ang kanyang 250 tagasunod. At naging babala sa mga Israelita ang pangyayaring ito.