13. Sumagot si David, “Sige, pumapayag akong makipagkasundo sa isang kundisyon: Ibalik ninyo sa akin ang asawa kong si Mical na anak ni Saul sa pagpunta ninyo rito.”
14. Pagkatapos, nagsugo si David ng mga mensahero kay Ishboshet para sabihin, “Ibalik mo sa akin ang asawa kong si Mical, dahil ipinagkasundo kaming ipakasal kapalit ng 100 buhay at balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.”
15. Kaya ipinag-utos ni Ishboshet na bawiin si Mical sa asawa nitong si Paltiel na anak ni Laish.
16. Umiiyak na sumunod si Paltiel kay Mical hanggang sa Bahurim. Sinabihan siya ni Abner na umuwi na, at umuwi nga ito.
17. Nakipag-usap si Abner sa mga tagapamahala ng Israel. Sinabi niya, “Matagal nʼyo ng gustong maging hari si David.
18. Ito na ang pagkakataon nʼyo, dahil nangako ang Panginoon sa lingkod niyang si David na sa pamamagitan niya, ililigtas niya ang mga mamamayan niyang Israelita sa kamay ng mga Filisteo at sa lahat ng kalaban nito.”
19. Nakipag-usap din si Abner sa lahi ni Benjamin. At pumunta siya sa Hebron para sabihin kay David na sinusuportahan ng mga mamamayan ng Israel at Benjamin ang pagiging hari niya sa kanila.
20. Nang dumating si Abner sa Hebron kasama ang 20 niyang tauhan, nagdaos si David ng pagdiriwang para sa kanila.
21. Sinabi ni Abner kay David, “Mahal na Hari, payagan nʼyo po akong umalis para kumbinsihin ang lahat na mamamayan ng Israel na suportahan kayo bilang hari. Sa ganitong paraan, makikipagkasundo sila inyo na tatanggapin nila kayo bilang hari. Pagkatapos, makakapamuno na po kayo sa buong Israel, sa paraang gusto ninyo.” At hinayaan ni David si Abner na umalis ng matiwasay.
22. Dumating si Joab at ang ibang tauhan ni David sa Hebron mula sa pagsalakay, at marami silang dalang samsam mula sa labanan. Pero wala na roon si Abner dahil pinaalis na siya ni David ng matiwasay.
23. Nang mabalitaan ni Joab na pumunta si Abner sa hari at pinaalis ng matiwasay,
24. pumunta si Joab sa hari at sinabi, “Ano po ang ginawa nʼyo? Pumunta na sa inyo si Abner, bakit pinaalis pa ninyo? Ngayon, wala na siya!
25. Kilala nʼyo naman si Abner na anak ni Ner, pumunta siya rito para dayain at obserbahan ang bawat kilos ninyo.”
26. Iniwan agad ni Joab si David, at nag-utos siyang habulin si Abner. Inabutan nila ito sa balon ng Sira at dinala pabalik sa Hebron. Pero hindi ito alam ni David.
27. Nang naroon na si Abner sa Hebron, dinala siya ni Joab sa may pintuan ng lungsod at kunwariʼy kakausapin niya ito nang silang dalawa lang. At doon sinaksak ni Joab si Abner sa tiyan bilang paghihiganti sa pagpatay ni Abner sa kapatid niyang si Asahel. At namatay si Abner.