2 Cronica 8:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Pagkatapos ng 20 taong pagpapatayo ni Solomon ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo,

2. muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatirhan sa mga Israelita.

3. Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat Zoba.

4. Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan.

5. Pinatibay niya ang itaas at ilalim na bahagi ng Bet Horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado.

6. Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.

7-8. May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng mga Israelita nang agawin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na gumawa, at nanatili silang alipin hanggang ngayon.

9. Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo.

2 Cronica 8