9. Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
10. “Tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa pangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
11. Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mamamayan ng Israel.”
12. Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay.
13. Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay.
14. Nanalangin siya,“O Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad nʼyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na sumusunod sa inyo ng buong puso.
15. Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito.
16. At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’