5. Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi.
6. Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran.
7. Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel.
8. Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon.
9. Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak.
10. Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin.
11. Kaya mga minamahal, huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”
12. Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.
13. Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.
14. Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.
15. Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon.
16. Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.