2 Cronica 29:16-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.

17. Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon.

18. Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito.

19. Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”

20. Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon.

21. Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon.

22. Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa.

2 Cronica 29