2 Cronica 24:12-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joash at Jehoyada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso.

13. Napakasipag ng mga itinalaga sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang templo ng Dios ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito.

14. Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Jehoyada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa templo ng Panginoon  – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.

15. Nabuhay si Jehoyada nang mahabang taon, at namatay siya sa edad na 130.

16. Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.

17. Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila.

18. Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diyosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem.

19. Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.

2 Cronica 24