2. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
3. Purihin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob.
4. Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap.
5. Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob.
6. Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin.
7. Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.
8. Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa.
9. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay.
13-14. Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.
15. Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses.
16. Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea.
17. Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin?
18. Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi.