1. Nang matanda na si Samuel, pinili niya ang mga anak niyang lalaki na maging pinuno ng Israel.
2. Joel ang pangalan ng panganay at Abijah naman ang sumunod. Pareho silang namuno sa Beersheba,
3. pero hindi sila gaya ng kanilang ama. Gahaman sila sa pera, tumatanggap ng suhol at binabaluktot ang katarungan.
4. Kaya nagtipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel at pumunta kay Samuel sa Rama.
5. Sinabi nila, “Matanda na po kayo; at ang mga anak ninyoʼy hindi naman sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Ngayon, bigyan nʼyo po kami ng hari na mamumuno sa amin, gaya ng ibang bansa na mayroong hari.”
6. Pero sumama ang loob ni Samuel sa hiniling nila, kaya nanalangin siya sa Panginoon.