6. Sobrang nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nilang batuhin siya. Pero pinalakas siya ng Panginoon na kanyang Dios.
7. Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang espesyal na damit ng pari.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya.
8. Nagtanong si David sa Panginoon, “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.”
9. Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon
10. ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak. Pero nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.
11. Nakita ng ilang mga tauhan ni David ang isang Egipcio sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay.
12. Binigyan din nila ang Egipcio ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas.
13. Tinanong siya ni David, “Sino ang amo mo? Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong Egipcio, at alipin ng isang Amalekita. Iniwan ako ng amo ko, tatlong araw na po ang nakakaraan dahil nagkasakit ako.
14. Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negev, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.”
15. Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong mga taong bumihag sa pamilya namin?” Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Dios na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”