7. Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Egipto.
8. Nilipol nila nang lubusan ang lahat ng Amalekita, pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lang.
9. Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng maiinam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapapakinabangan ay nilipol nila nang lubusan.
10. Sinabi ng Panginoon kay Samuel,
11. “Nalungkot ako na ginawa kong hari si Saul. Sapagkat tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.
12. Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Pero may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”
13. Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka sana ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.”
14. Pero sinabi ni Samuel, “Kung totoong sinunod mo ang utos ng Panginoon, bakit may naririnig akong ingay ng mga tupa at unga ng mga baka?”
15. Sumagot si Saul, “Ang mga iyon ay ang pinakamagandang tupa at mga baka, dala ng mga sundalo galing sa mga Amalekita. Hindi nila pinatay dahil iaalay nila sa Panginoon na iyong Dios, pero maliban sa mga iyon, pinatay naming lahat.”
16. Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.” “Ano iyon?” Tanong ni Saul.
17. Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel.