23. Nang araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet Aven.
24. Nang araw na iyon, nanghina ang mga Israelita sa gutom dahil pinanumpa sila ni Saul, na sinabi, “Sumpain ang sinumang kakain ng pagkain bago gumabi, hanggaʼt hindi pa ako nakakapaghiganti sa aking mga kalaban.” Kaya walang kumain kahit isa sa kanila.
25. Pumunta ang lahat ng sundalo sa kagubatan, kung saan may mga pulot na tumutulo sa lupa.
26. Hindi nila ito tinikman man lang dahil natatakot sila sa sumpa.
27. Pero hindi narinig ni Jonatan na pinanumpa ng kanyang ama ang mga tao, kaya isinawsaw niya ang dulo ng isang patpat sa pulot at kinain ito. Pagkakain niya, bumuti ang pakiramdam niya.
28. Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.”
29. Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot.
30. Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”
31. Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Ayalon, napagod at nagutom sila nang husto.