4. Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo. Kaya nagtipon ang mga Israelita sa Gilgal kasama ni Saul.
5. Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000 karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmash, sa silangan ng Bet Aven.
6. Nang makita ng mga Israelita na nanganganib ang sitwasyon nila, nagtago sila sa mga kweba, talahiban, mga batuhan, hukay at mga imbakan ng tubig.
7. Ang iba sa kanilaʼy tumawid sa Ilog ng Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal, at nanginginig sa takot ang mga kasama niya.
8. Naghintay si Saul kay Samuel sa Gilgal ng pitong araw ayon sa sinabi ni Samuel sa kanya, pero hindi dumating si Samuel. Nang makita ni Saul na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama niya, sinabi niya,
9. “Dalhin ninyo sa akin ang handog na sinusunog at ang handog para sa mabuting relasyon.” At inialay ni Saul ang mga handog na sinusunog.
10. Nang patapos na siya, dumating si Samuel. Sinalubong niya ito upang batiin, pero nagtanong si Samuel,
11. “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul, “Nakita ko na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama ko, at hindi ka dumating sa oras na sinabi mo, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash.
12. Inisip ko na baka salakayin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal at hindi pa nakakapaghandog sa Panginoon para humingi ng tulong sa kanya. Kaya napilitan akong mag-alay ng handog na sinusunog.”
13. Sinabi ni Samuel, “Kahangalan ang ginawa mo! Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon na iyong Dios. Kung sumunod ka lang sana, ang sambahayan mo ang maghahari sa Israel habang panahon.
14. Pero hindi na ito mangyayari dahil nakakita na ang Panginoon ng taong susunod sa kagustuhan niya, at ginawa na siyang pinuno para sa kanyang mga mamamayan, dahil hindi ka sumunod sa utos ng Panginoon.”
15. Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan – 600 lahat.
16. Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Geba, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmash.