1 Hari 8:49-65 Ang Salita ng Dios (ASND)

49. dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.

50. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan at mga paglabag sa inyo, at loobin nʼyong kahabagan sila ng mga bumihag sa kanila.

51. Dahil silaʼy mga taong inyong pagmamay-ari. Inilabas ninyo sila sa Egipto, ang lugar na tulad ng naglalagablab na hurno.

52. “Pansinin sana ninyo ang mga kahilingan ko at ang mga kahilingan ng inyong mga mamamayang Israelita, at pakinggan ninyo sana sila kapag nanalangin sila sa inyo.

53. Dahil hinirang ninyo sila, Panginoong Dios, sa lahat ng bansa sa mundo bilang bayan na inyong pagmamay-ari, ayon sa sinabi ninyo kay Moises na inyong lingkod, nang inilabas ninyo ang aming mga ninuno sa Egipto.”

54. Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin at kahilingan sa Panginoon, tumayo siya sa harapan ng altar ng Panginoon, kung saan siya nakaluhod at nakataas ang mga kamay sa langit.

55. Binasbasan niya ang buong sambayanan ng Israel at sinabi nang may malakas na tinig,

56. “Purihin ang Panginoon na nagbigay ng kapahingahan sa mga mamamayan niyang Israelita ayon sa kanyang ipinangako. Tinupad niya ang lahat ng ipinangako niya kay Moises na kanyang lingkod.

57. Samahan sana tayo ng Panginoon na ating Dios tulad ng pagsama niya sa ating mga ninuno. Huwag sana niya tayong itaboy o pabayaan.

58. Gawin sana niya tayong masunurin sa kanya para makapamuhay tayo ayon sa kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa ating mga ninuno.

59. Palagi sanang maalala ng Panginoon na ating Dios, araw at gabi, ang mga panalangin kong ito. Nawaʼy tulungan niya ako at ang mga mamamayan niyang Israelita, ayon sa kanilang pangangailangan bawat araw,

60. para malaman ng lahat ng bayan sa buong mundo na ang Panginoon ay siyang Dios at wala nang iba pa.

61. At sana, kayong mga Israelita ay maging tapat sa Panginoon na ating Dios. Tuparin ninyo ang kanyang mga tuntunin at mga utos katulad ng ginagawa ninyo ngayon.”

62. Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng Israelita na kasama niya.

63. Nag-alay sila ng mga handog para sa mabuting relasyon: 22,000 baka at 120,000 tupa at kambing. Sa ganitong paraan, itinalaga ng hari at ng lahat ng mga Israelita ang templo ng Panginoon.

64. Sa araw ding iyon, itinalaga ng hari ang bakuran na nasa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na nasa harapan ng templo ay napakaliit para sa mga handog na ito.

65. Ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Napakaraming pumunta mula sa Lebo Hamat sa bandang hilaga hanggang sa lambak ng Egipto sa bandang timog. Nagdiwang sila sa presensya ng Panginoon na kanilang Dios sa loob ng 14 na araw – pitong araw para sa pagtatalaga ng templo at pitong araw para sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

1 Hari 8