1 Hari 20:15-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga binatang sundalo, na nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga gobernador ng mga probinsya – 232 silang lahat. At tinipon din niya ang iba pang mga Israelita – 7,000 silang lahat.

16. Tanghali nang lumusob sila, habang si Ben Hadad at ang 32 haring kakampi niya ay naglalasing sa mga tolda nila.

17. Ang unang lumusob ay ang mga binatang sundalo.Ngayon, ang mga espiyang ipinadala ni Ben Hadad sa Samaria ay nagsabi sa kanya, “May mga sundalo pong papunta rito mula sa Samaria.”

18. Sinabi ni Ben Hadad, “Hulihin nʼyo sila! Kahit anong pakay nila rito, makipaglaban man o makipag-ayos.”

19. Ang mga binatang sundalo ang nangunguna sa mga sundalo ng Israel.

20. Ang bawat isaʼy pinatay ang kanyang kalaban. Kaya tumakas ang ibang mga sundalo ng Aram, at hinabol sila ng mga Israelita. Pero si Ben Hadad at ang iba pa niyang mga kasama ay tumakas na nakasakay sa kabayo.

21. Ganoon ang paglusob nina Haring Ahab ng Israel. Marami silang pinatay na Arameo at pinagkukuha nila ang mga kabayo at mga karwahe ng mga ito.

22. Pagkatapos nito, lumapit ang propeta sa hari ng Israel, at sinabi, “Maghanda kayo at magplano nang mabuti, dahil lulusob pong muli ang hari ng Aram sa susunod na taon.”

23. Samantala, sinabi ng mga opisyal ng hari ng Aram sa kanya, “Ang dios ng mga Israelita ay dios ng mga bundok; iyan ang dahilan ng kanilang pagwawagi. Pero kung makikipaglaban tayo sa kanila sa kapatagan, siguradong matatalo natin sila.

24. Ito ang kailangan ninyong gawin: Alisin ninyo ang 32 hari sa kanilang katungkulan, at ipalit sa kanila ang mga kumander.

25. Pagkatapos, magtipon kayo ng mga sundalo, mga kabayo, at mga karwahe na kasindami ng mga nawala noon. Makipaglaban tayo sa mga Israelita sa kapatagan, at tiyak na matatalo natin sila.” Pumayag si Ben Hadad, at ginawa niya ito.

26. Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben Hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa lungsod ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita.

27. Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas para makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila na paharap sa kampo ng mga Arameo. Pero katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan.

28. Pumunta ang lingkod ng Dios sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na dios ako ng mga bundok at hindi dios ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo para malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”

29. Nagkampo ang mga Israelita at ang mga Arameo na magkaharap sa loob ng pitong araw. At naglaban sila nang ikapitong araw. Sa isang araw lang, nakapatay ang mga Israelita ng 100,000 sundalong Arameo.

1 Hari 20