19. Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila?
20. Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu.
21. Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu.
22. Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?
23. Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong.
24. Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.
25. Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya.
26. Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”
27. Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya.