Mga Taga-Roma 15:17-27 Ang Biblia (TLAB)

17. Mayroon nga akong ipinagmamapuri kay Cristo Jesus sa mga bagay na nauukol sa Dios.

18. Sapagka't hindi ako nangangahas magsalita ng anomang mga bagay, maliban na sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, sa pagtalima ng mga Gentil, sa salita at sa gawa,

19. Sa bisa ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Dios; ano pa't buhat sa Jerusalem, at sa palibotlibot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang evangelio ni Cristo;

20. Aking nilayon na maipangaral ang evangelio, hindi doon sa napagbalitaan na kay Cristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba;

21. Kundi, gaya ng nasusulat, Makakakita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa kaniya, At silang hindi nangakapakinig, ay mangakakatalastas.

22. Kaya't madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo:

23. Datapuwa't ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako'y may nasang pumariyan sa inyo,

24. Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka't inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako'y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo).

25. Nguni't ngayon, sinasabi ko, ako'y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal.

26. Sapagka't minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.

27. Oo, ito'y kalugodlugod sa kanila; at sila'y may utang na loob sa kanila. Sapagka't kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman.

Mga Taga-Roma 15