31. At lihim na nagsugo siya ng mga sugo kay Abimelech, na nagsabi, Narito, si Gaal na anak ni Ebed at ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa Sichem; at, narito, kanilang pinilit ang bayan laban sa iyo.
32. Ngayon nga'y bumangon ka sa gabi, ikaw at ang bayan na kasama mo, at bakayan mo sa bukid:
33. At mangyayari, na sa kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay babangon kang maaga, at isasalakay mo ang bayan: at, narito, pagka siya at ang bayan na kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo nga sa kanila ang magalingin mo.
34. At bumangon si Abimelech, at ang buong bayan na kasama niya, sa kinagabihan at sinalakay nila ang Sichem, na sila'y apat na pulutong.
35. At lumabas si Gaal na anak ni Ebed, at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan; at si Abimelech ay bumangon sa pagbakay at ang bayan na kasama niya.
36. At nang makita ni Gaal ang bayan, ay kaniyang sinabi kay Zebul, Narito, bumababa ang bayan mula sa taluktuk ng mga bundok. At sinabi ni Zebul sa kaniya, Iyong nakikita'y mga lilim ng mga bundukin, na parang mga lalake.
37. At nagsalita uli si Gaal, at nagsabi, Tignan mo, bumababa ang bayan sa kalagitnaan ng lupain, at isang pulutung ay dumarating sa daan ng encina ng Meonenim.