Mga Hukom 6:19-24 Ang Biblia (TLAB)

19. At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.

20. At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.

21. Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.

22. At nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.

23. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.

24. Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa Ophra pa ng mga Abiezerita.

Mga Hukom 6