Mga Hukom 1:24-36 Ang Biblia (TLAB)

24. At nakita ng mga bakay ang isang lalake na lumalabas sa bayan at kanilang sinabi sa kaniya, Ituro mo sa amin, isinasamo namin sa iyo ang pasukan sa bayan at kahahabagan ka namin.

25. At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa bayan, at kanilang sinugatan ng talim ng tabak ang bayan nguni't pinayaon ang lalake at ang madlang sangbahayan niya.

26. At ang lalake ay pumasok sa lupain ng mga Hetheo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyaon na Luz: na siyang pangalan niyaon hanggang sa araw na ito.

27. At hindi pinalayas ng Manases ang mga taga Beth-sean at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Taanach at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Dor at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Ibleam at ang mga bayan niyaon, ni ang mga taga Megiddo at ang mga bayan niyaon: kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa lupaing yaon.

28. At nangyari, nang lumakas ang Israel, na kanilang pinapagatag ang mga Cananeo, at hindi nila lubos na pinalayas.

29. At hindi pinalayas ni Ephraim ang mga Cananeo na tumatahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa Gezer sa gitna nila.

30. Hindi pinalayas ni Zabulon ang mga nananahan sa Chitron, ni ang mga nananahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nagsitahan sa gitna nila, at naging mga tagapagpaatag.

31. Hindi pinalayas ng Aser ang mga taga Acho, ni ang mga taga Sidon, ni ang taga Ahlab, ni ang taga Achzib, ni ang taga Helba, ni ang taga Aphec, ni ang taga Rehob:

32. Kundi ang mga Aserita ay nagsitahang kasama ng mga Cananeo, na mga taga lupaing yaon: sapagka't hindi nila pinalayas sila.

33. Hindi pinalayas ng Nephtali ang mga nananahan sa Beth-semes, ni ang mga nananahan sa Beth-anath; kundi siya'y tumahan sa gitna ng mga Cananeo, na nagsisitahan sa lupaing yaon: gayon ma'y ang mga nananahan sa Beth-semes at nananahan sa Beth-anath ay naging mga tagapagpaatag sa kaniya.

34. At piniit ng mga Amorrheo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol; sapagka't ayaw nilang payagang sila'y lumusong sa libis;

35. Nguni't inibig ng mga Amorrheo na tumahan sa bundok ng Heres, sa Ajalon, at sa Saalbin: gayon ma'y nanaig ang kamay ng sangbahayan ni Jose, na anopa't sila'y naging mga tagapagpaatag.

36. At ang hangganan ng mga Amorrheo ay mula sa sampahan ng Acrabim, buhat sa batuhan, at paitaas.

Mga Hukom 1