Mga Gawa 2:32-42 Ang Biblia (TLAB)

32. Ang Jesus na ito'y binuhay na maguli ng Dios, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.

33. Palibhasa nga'y pinarangal ng kanang kamay ng Dios, at tinanggap na sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ay ibinuhos niya ito, na inyong nakikita at naririnig.

34. Sapagka't hindi umakyat si David sa mga langit; datapuwa't siya rin ang nagsabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa kanan ko,

35. Hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.

36. Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.

37. Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?

38. At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.

39. Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.

40. At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito.

41. Yaon ngang nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: at nangaparagdag sa kanila nang araw na yaon ang may tatlong libong kaluluwa.

42. At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.

Mga Gawa 2