Mga Bilang 3:15-33 Ang Biblia (TLAB)

15. Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa kanilang mga angkan: bawa't lalake na mula sa isang buwang gulang na patanda ay bibilangin mo.

16. At sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kaniya.

17. At ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: si Gerson, at si Coath, at si Merari.

18. At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gerson ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Simei.

19. At ang mga anak ni Coath ayon sa kanilang mga angkan, ay si Amram, at si Izhar, si Hebron, at si Uzziel.

20. At ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan; ay si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.

21. Kay Gerson galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Simeita: ito ang mga angkan ng mga Gersonita.

22. Yaong nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay pitong libo at limang daan ang nangabilang sa kanila.

23. Ang mga angkan ng mga Gersonita ay hahantong sa likuran ng tabernakulo sa dakong kalunuran.

24. At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga Gersonita ay si Eliasaph na anak ni Lael.

25. At ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gerson sa tabernakulo ng kapisanan ay ang tabernakulo, at ang Tolda, ang takip niyaon at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan,

26. At ang mga tabing ng looban at ang tabing sa pintuan ng looban na nasa palibot ng tabernakulo at sa palibot ng dambana, at ang mga tali niyaon na naukol sa buong paglilingkod doon.

27. At kay Coath ang angkan ng mga Amramita at ang angkan ng mga Izharita, at ang angkan ng mga Hebronita, at ang angkan ng mga Uzzielita: ito ang mga angkan ng mga Coathita.

28. Ayon sa bilang ng lahat na mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay may walong libo at anim na raang nangamamahala ng katungkulan sa santuario.

29. Ang mga angkan ng mga anak ni Coath ay magsisihantong sa tagiliran ng tabernakulo, sa dakong timugan.

30. At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga angkan ng mga Coathita ay si Elisaphan na anak ni Uzziel.

31. At ang magiging katungkulan nila ay ang kaban, at ang dulang, at ang kandelero, at ang mga dambana, at ang mga kasangkapan ng santuario na kanilang pinangangasiwaan, at ang tabing at ang lahat ng paglilingkod doon.

32. At si Eleazar na anak ni Aaron na saserdote ay siyang magiging prinsipe ng mga prinsipe ng mga Levita at mamamahala sa mga may katungkulan sa santuario.

33. Kay Merari ang angkan ng mga Mahalita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.

Mga Bilang 3