5. Sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato.
6. At ngayo'y matataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kaniyang tabernakulo ng mga hain ng kagalakan; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri sa Panginoon.
7. Dinggin mo, Oh Panginoon, pagka ako'y sumisigaw ng aking tinig: maawa ka rin sa akin, at sagutin mo ako.
8. Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko.
9. Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; huwag mong ihiwalay ang iyong lingkod ng dahil sa galit: ikaw ay naging aking saklolo; huwag mo akong itakuwil, o pabayaan man, Oh Dios ng aking kaligtasan.
10. Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayon ma'y dadamputin ako ng Panginoon.