Mga Awit 144:1-10 Ang Biblia (TLAB)

1. Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban:

2. Aking kagandahang-loob, at aking katibayan, aking matayog na moog, at aking tagapagligtas; aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong; na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.

3. Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya? O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?

4. Ang tao ay parang walang kabuluhan: ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.

5. Ikiling mo ang iyong mga langit, Oh Panginoon, at bumaba ka: hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.

6. Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila; suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,

7. Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas; sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig, sa kamay ng mga taga ibang lupa;

8. Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.

9. Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, Oh Dios: sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.

10. Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari: na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.

Mga Awit 144