Marcos 14:15-24 Ang Biblia (TLAB)

15. At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan at handa na: at ipaghanda ninyo roon tayo.

16. At nagsiyaon ang mga alagad, at nagsipasok sa bayan, at nasumpungan ang ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.

17. At nang gumabi na ay naparoon siyang kasama ang labingdalawa.

18. At samantalang sila'y nangakaupo na at nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isa sa inyo na kasalo kong kumakain, ay ipagkakanulo ako.

19. Sila'y nagpasimulang nangamanglaw, at isaisang nagsabi sa kaniya, Ako baga?

20. At sinabi niya sa kanila, Isa nga sa labingdalawa, yaong sumabay sa aking sumawsaw sa pinggan.

21. Sapagka't papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.

22. At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot siya ng tinapay, at nang kaniyang mapagpala, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, at sinabi, Inyong kunin: ito ang aking katawan.

23. At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom silang lahat.

24. At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami.

Marcos 14