10. Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.
11. Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?
12. Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos.
13. At siya'y dinala muna kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.
14. Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan.
15. At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;
16. Nguni't si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.
17. Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi.
18. Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.
19. Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo.
20. Sinagot siya ni Jesus, Ako'y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.
21. Bakit ako'y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.
22. At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote?
23. Sinagot siya ni Jesus, Kung ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa't kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?
24. Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote.
25. Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya'y kumaila, at sinabi, Ako'y hindi.