8. Ang Babilonia ay biglang nabuwal at napahamak: inyong tangisan siya, ikuha ninyo ng balsamo ang kaniyang sakit, baka sakaling siya'y mapagaling.
9. Ibig sana nating mapagaling ang Babilonia, nguni't siya'y hindi napagaling: pabayaan siya, at yumaon bawa't isa sa atin sa kanikaniyang sariling lupain; sapagka't ang kaniyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at nataas hanggang sa mga alapaap.
10. Inilabas ng Panginoon ang ating katuwiran: magsiparito kayo, at ating ipahayag sa Sion, ang gawa ng Panginoon nating Dios.
11. Inyong patalasin ang mga pana, inyong hawakang mahigpit ang mga kalasag; pinukaw ng Panginoon ang kalooban ng mga hari ng mga Medo; sapagka't ang kaniyang lalang ay laban sa Babilonia, upang sirain: sapagka't siyang panghihiganti ng Panginoon, panghihiganti ng kaniyang templo.
12. Mangagtaas kayo ng watawat laban sa mga kuta ng Babilonia, inyong patibayin ang bantayan, inyong lagyan ng mga bantay, kayo'y mangaghanda ng mga pangbakay: sapagka't ang Panginoon ay nagpanukala at gumawa rin naman ng kaniyang sinalita tungkol sa mga nananahan sa Babilonia.
13. Oh ikaw na tumatahan sa ibabaw ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, ang iyong wakas ay dumating, ang sukat ng iyong kasakiman.
14. Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang sarili, na sinasabi, Tunay na pupunuin kita ng mga tao, na parang balang; at sila'y mangaglalakas ng hiyaw laban sa iyo.
15. Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay iniladlad niya ang langit.
16. Paglalakas niya ng kaniyang tinig, nagkaroon ng kagulo ng tubig sa langit, at kaniyang pinailanglang ang mga singaw mula sa mga wakas ng lupa: kaniyang iginawa ng mga kidlat ang ulan, at inilabas ang hangin mula sa kaniyang mga imbakan.
17. Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ginto ay nalagay sa kahihiyan dahil sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kasinungalingan, at walang hinga sa mga yaon.
18. Ang mga yaon ay walang kabuluhan, isang gawa ng karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon ay mangalilipol.
19. Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang naganyo sa lahat ng bagay; at ang Israel ay lipi ng kaniyang mana: ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan.
20. Ikaw ay aking pangbakang palakol at mga almas na pangdigma: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga bansa; at sa pamamagitan mo ay sisira ako ng mga kaharian;
21. At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang kabayo at ang kaniyang sakay;
22. At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang karo at ang nakasakay roon; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang lalake at ang babae; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang matanda at ang bata: at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang binata at ang dalaga;
23. At sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang pastor at ang kaniyang kawan; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mangbubukid at ang kaniyang tuwang na mga baka; at sa pamamagitan mo ay pagwawaraywarayin ko ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.
24. At aking ilalapat sa Babilonia at sa lahat na nananahan sa Caldea ang buo nilang kasamaan na kanilang ginawa sa Sion sa inyong paningin, sabi ng Panginoon.
25. Narito, ako'y laban sa iyo, Oh mapangpahamak na bundok, sabi ng Panginoon, na gumigiba ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay sa iyo, at pagugulungin kita mula sa malaking bato, at gagawin kitang bundok na sunog.
26. At hindi ka nila kukunan ng bato na panulok, o ng bato man na mga patibayan; kundi ikaw ay magiging sira magpakailan man, sabi ng Panginoon.
27. Mangagtaas kayo ng watawat sa lupain, inyong hipan ang pakakak sa gitna ng mga bansa, magsihanda ang mga bansa laban sa kaniya, pisanin laban sa kaniya ang mga kaharian ng Ararat, ng Minmi, at ng Aschenaz: mangaghalal ng puno laban sa kaniya; pasampahin ang mga kabayo ng parang mga uod.