Jeremias 50:32-40 Ang Biblia (TLAB)

32. At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kaniya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kaniyang mga bayan, at pupugnawin niyaon ang lahat na nangasa palibot niya.

33. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Ang mga anak ni Israel at ang mga anak ni Juda ay napipighating magkasama; at lahat na nagsikuhang bihag sa kanila ay hinahawakang mahigpit sila; ayaw pawalan sila.

34. Ang Manunubos sa kanila ay malakas; ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan: kaniyang ipakikipaglabang maigi ang kanilang usap, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, at bagabagin ang mga nananahan sa Babilonia.

35. Ang tabak ay nasa mga Caldeo, sabi ng Panginoon, at sa mga nananahan sa Babilonia, at sa kaniyang mga prinsipe, at sa kaniyang mga pantas.

36. Ang tabak ay nasa mga hambog, at sila'y mangahahangal, ang tabak ay nasa kaniyang mga makapangyarihan, at sila'y manganglulupaypay.

37. Ang tabak ay nasa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo, at sa buong bayang halohalo na nasa gitna niya; at sila'y magiging parang mga babae; isang tabak ay nasa kaniyang mga kayamanan, at mangananakaw;

38. Ang pagkatuyo ay nasa kaniyang tubig, at mangatutuyo; sapagka't lupain ng mga larawang inanyuan, at sila'y mga ulol dahil sa mga diosdiosan.

39. Kaya't ang mga mabangis na hayop sa ilang sangpu ng mga lobo ay magsisitahan doon, at ang avestruz ay tatahan doon: at hindi na matatahanan kailan pa man; ni matatahanan sa sali't saling lahi.

40. Kung paanong sinira ng Dios ang Sodoma at Gomorra at ang mga kalapit bayan ng mga yaon, sabi ng Panginoon, gayon hindi tatahan doon ang sinoman, o tatahan man doon ang sinomang anak ng tao.

Jeremias 50