19. Oh ikaw na anak na babae na tumatahan sa Egipto, gumayak ka sa pagpasok sa pagkabihag; sapagka't ang Memphis ay masisira, at magniningas na mawawalan ng mananahan.
20. Ang Egipto ay napakagandang dumalagang baka; nguni't pagkasirang mula sa hilagaan ay dumarating, dumarating.
21. Ang kaniya namang mga taong upahan sa gitna niya ay parang mga guya sa kulungan; sapagka't sila man ay nagsibalik, sila'y nagsitakas na magkakasama, sila'y hindi nagsitayo: sapagka't ang kaarawan ng kanilang kasakunaan ay dumating sa kanila, ang panahon ng pagdalaw sa kanila.
22. Ang hugong niyaon ay yayaong parang ahas; sapagka't sila'y magsisiyaong kasama ng hukbo, at magsisiparoong laban sa kaniya na mga may palakol, na parang mga mamumutol ng kahoy.