Jeremias 22:8-18 Ang Biblia (TLAB)

8. At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?

9. Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.

10. Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.

11. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:

12. Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.

13. Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;

14. Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.

15. Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.

16. Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.

17. Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.

18. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!

Jeremias 22