1. Ganito ang sabi ng Panginoon, Bumaba ka sa bahay ng hari sa Juda, at iyong salitain doon ang salitang ito,
2. At iyong sabihin, Dinggin mo ang salita ng Panginoon, Oh hari sa Juda, na nauupo sa luklukan ni David, ikaw at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan na pumapasok sa mga pintuang ito.
3. Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagsagawa kayo ng kahatulan at ng katuwiran, at iligtas ninyo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati: at huwag kayong magsigawa ng kamalian, huwag kayong magsigawa ng pangdadahas sa mga nakikipamayan, sa ulila, o sa babaing bao man; o mangagbubo man ng walang salang dugo sa dakong ito.
4. Sapagka't kung tunay na inyong gawin ang bagay na ito, magsisipasok nga sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga hari na nangauupo sa luklukan ni David, na nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang bayan.
5. Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang mga salitang ito, ako'y susumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay masisira.
6. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, Ikaw ay Galaad sa akin, at ulo ng Libano; gayon ma'y tunay na gagawin kitang isang ilang, at mga bayang hindi tinatahanan.
7. At ako'y maghahanda ng mga manglilipol laban sa iyo, bawa't isa'y may kaniyang mga almas; at kanilang puputulin ang iyong mga piling cedro, at ipaghahagis sa apoy.
8. At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?
9. Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.
10. Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.
11. Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:
12. Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.
13. Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;
14. Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.
15. Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.
16. Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.