Isaias 26:1-10 Ang Biblia (TLAB)

1. Sa araw na yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan.

2. Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan.

3. Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.

4. Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.

5. Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.

6. Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.

7. Ang daan ng ganap ay katuwiran: ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap.

8. Oo, sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa.

9. Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan.

10. Magpakita man ng awa sa masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.

Isaias 26