Ezekiel 23:9-25 Ang Biblia (TLAB)

9. Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng mga mangingibig sa kaniya, sa kamay ng mga taga Asiria, na siya niyang mga inibig.

10. Ang mga ito ang nangaglitaw ng kaniyang kahubaran; kinuha nila ang kaniyang mga anak na lalake at babae; at siya'y pinatay nila ng tabak: at siya'y naging kakutyaan sa mga babae; sapagka't sila'y naglapat ng mga kahatulan sa kaniya.

11. At nakita ito ng kaniyang kapatid na si Oholiba, gayon ma'y siya'y higit na napahamak sa kaniyang pagibig kay sa kaniya, at sa kaniyang mga pagpapatutot na higit kay sa mga pagpapatutot ng kaniyang kapatid.

12. Siya'y umibig sa mga taga Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno, sa kaniyang mga kalapit bayan, na nararamtan ng mga pinakamahusay, sa mga nangangabayo na nakasakay sa mga kabayo, silang lahat ay mga binatang makisig.

13. At aking nakita na siya'y nadumhan; na sila kapuwa ay nagisang daan.

14. At kaniyang pinalago ang kaniyang mga pagpapatutot; sapagka't siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga panig, na mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan ng bermillon,

15. Na nangabibigkisan sa kanilang mga balakang, na mga may lumilipad na turbante sa kanilang mga ulo, silang lahat ay parang mga prinsipe ayon sa wangis ng mga taga Babilonia sa Caldea, na lupain na kanilang kinapanganakan.

16. At pagkakita niya sa kanila ay inibig niya agad sila, at nagsugo ng mga sugo sa kanila sa Caldea.

17. At sinipingan siya ng mga taga Babilonia sa higaan ng pagibig, at kanilang dinumhan siya ng kanilang pagpapatutot, at siya'y nahawa sa kanila, at ang kaniyang kalooban ay tinabangan sa kanila.

18. Sa gayo'y inilitaw niya ang kaniyang mga pagpapatutot, at inilitaw niya ang kaniyang kahubaran: nang magkagayo'y tinabangan ang aking kalooban sa kaniya, na gaya ng pagkatabang ng aking kalooban sa kaniyang kapatid.

19. Gayon ma'y kaniyang pinarami ang kaniyang mga pakikiapid, na inalaala ang mga kaarawan ng kaniyang kadalagahan, na kaniyang ipinagpatutot sa lupain ng Egipto,

20. At siya'y umibig sa mga nagsisiagulo sa kaniya, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang lumalabas sa mga kabayo.

21. Ganito mo inalaala ang kahalayan ng iyong kadalagahan, sa pagkahipo ng iyong mga suso ng mga taga Egipto dahil sa mga suso ng iyong kadalagahan.

22. Kaya, Oh Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong Dios; Narito, aking ibabangon ang mga mangingibig sa iyo laban sa iyo, na siyang pinagsawaan ng iyong kalooban, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako:

23. Ang mga taga Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, at ang Soa, at ang Coa, at lahat ng taga Asiria na kasama nila; na mga binatang makisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga prinsipe, at mga lalaking bantog, silang lahat ay nagsisisakay sa mga kabayo.

24. At sila'y magsisiparitong laban sa iyo na ma'y mga almas, mga karo, at mga kariton, at may kapulungan ng mga tao; sila'y magsisilagay laban sa iyo sa palibot na may longki, at kalasag at turbante; at aking ipauubaya ang kahatulan sa kanila, at sila'y magsisihatol sa iyo ayon sa kanilang mga kahatulan.

25. At aking ilalagak ang aking paninibugho laban sa iyo, at sila'y magsisigawa sa iyo sa kapusukan; kanilang pipingusin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga; at ang nalabi sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak: kanilang kukunin ang iyong mga anak na lalake at babae; at ang nalabi sa iyo ay susupukin sa apoy,

Ezekiel 23