Ezekiel 16:35-54 Ang Biblia (TLAB)

35. Kaya't, Oh patutot, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

36. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't ang iyong karumihan ay nahayag, at ang iyong kahubaran ay nalitaw sa iyong mga pakikiapid sa mga mangliligaw sa iyo; at dahil sa lahat ng diosdiosan na iyong mga kasuklamsuklam, at dahil sa dugo ng iyong mga anak, na iyong ibinigay sa kanila;

37. Kaya't, narito, aking pipisanin ang lahat na mangingibig sa iyo, na iyong pinagkaroonan ng kalayawan, at lahat ng iyong inibig, sangpu ng lahat na iyong kinapuotan; akin ngang pipisanin sila laban sa iyo sa bawa't dako, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.

38. At aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagbububo ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at ng paninibugho.

39. Ikaw ay ibibigay ko rin sa kanilang kamay, at kanilang ibabagsak ang iyong matayog na dako, at igigiba ang iyong mga mataas na dako, at kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong magandang mga hiyas; at kanilang iiwan ka na hubo at hubad.

40. Sila naman ay mangagaahon ng isang pulutong laban sa iyo, at babatuhin ka nila ng mga bato, at palalagpasan ka ng kanilang mga tabak.

41. At susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa paningin ng maraming babae; at aking patitigilin ka sa pagpapapatutot, at ikaw naman ay hindi na magbibigay pa ng upa.

42. Sa gayo'y aking papawiin ang aking kapusukan sa iyo, at ang aking paninibugho ay hihiwalay sa iyo, at ako'y matatahimik, at hindi na magagalit pa.

43. Sapagka't hindi mo naalaala ang mga kaarawan ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapagiinit mo sa lahat ng mga bagay na ito; kaya't, narito, akin namang pararatingin ang iyong lakad sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Dios: at hindi ka na gagawa ng kahalayang ito, na higit kay sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam.

44. Narito, bawa't sumasambit ng mga kawikaan ay sasambitin ang kawikaang ito laban sa iyo, na sasabihin, Kung ano ang ina, gayon ang kaniyang anak na babae.

45. Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na nagtakuwil ng kaniyang asawa at ng kaniyang mga anak; at ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na nagtakuwil ng kanilang mga asawa at ng kanilang mga anak: ang inyong ina ay Hetea, at ang inyong ama ay Amorrheo.

46. At ang iyong panganay na kapatid na babae ay ang Samaria na tumatahan sa iyong kaliwa, siya at ang kaniyang mga anak na babae; at ang iyong bunsong kapatid na babae na tumatahan sa iyong kanan ay Sodoma at ang kaniyang mga anak.

47. Gayon ma'y hindi ka lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam, kundi wari napakaliit na bagay, ikaw ay hamak na higit kay sa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.

48. Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, ang Sodoma na iyong kapatid na babae ay hindi gumawa, siya o ang kaniyang mga anak na babae man, na gaya ng iyong ginawa, ng ginawa mo, at ng iyong mga anak na babae.

49. Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; kapalaluan, kayamuan sa tinapay, at ang malabis na kapahingahan ay nasa kaniya at sa kaniyang mga anak na babae; at hindi man niya pinalakas ang kamay ng dukha at mapagkailangan.

50. At sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam sa harap ko: kaya't aking inalis sila, ayon sa aking minagaling.

51. Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan, nguni't pinarami mo ang iyong mga kasuklamsuklam na higit kay sa kanila, at iyong pinabuti ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat mong mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.

52. Ikaw rin naman, taglayin mo ang iyong sariling kahihiyan, sa iyong paglalapat ng kahatulan sa iyong mga kapatid na babae; sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kay sa kanila, sila'y lalong matuwid kay sa iyo: oo, malito ka, at taglayin mo ang iyong kahihiyan, sa iyong pagpapabuti sa iyong mga kapatid na babae.

53. At aking panunumbalikin uli sila mula sa kanilang pagkabihag, sa pagkabihag ng Sodoma at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng Samaria at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng iyong mga bihag sa gitna nila.

54. Upang iyong taglayin ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat na iyong ginawa sa iyong pagaliw sa kanila.

Ezekiel 16