4. At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.
5. Ang lahat ng ito'y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.
6. At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa Hesbon, na lubos nating nilipol bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.
7. Nguni't ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.
8. At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;
9. (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na Senir):
10. Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.
11. (Sapagka't si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon sa siko ng isang lalake).
12. At ang lupaing ito'y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita: