Deuteronomio 29:5-17 Ang Biblia (TLAB)

5. At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.

6. Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

7. At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;

8. At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

9. Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

10. Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,

11. Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:

12. Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:

13. Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

14. At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;

15. Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:

16. (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

17. At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:)

Deuteronomio 29