Deuteronomio 28:9-24 Ang Biblia (TLAB)

9. Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan.

10. At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo.

11. At ikaw ay pasasaganain ng Panginoon, sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo.

12. Bubuksan ng Panginoon sa iyo ang kaniyang mabuting kayamanan, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang buong gawa ng iyong kamay; at ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.

13. At gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot, at ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim; kung iyong didinggin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong sundin at gawin;

14. At huwag kang lilihis sa anoman sa mga salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga dios na paglilingkuran sila.

15. Nguni't mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.

16. Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.

17. Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok.

18. Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

19. Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas.

20. Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo'y pinabayaan mo ako.

21. Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa, na iyong pinapasok upang ariin.

22. Sasalutin ka ng Panginoon ng sakit na tuyo, at ng lagnat, at ng pamamaga, at ng nagaapoy na init, at ng tabak, at ng salot ng hangin, at ng sakit sa pagani; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.

23. At ang iyong langit na nasa itaas ng iyong ulo, ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.

24. Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa sa iyo, hanggang sa ikaw ay magiba.

Deuteronomio 28