Deuteronomio 1:12-28 Ang Biblia (TLAB)

12. Paanong madadala kong magisa ang inyong ligalig, at ang inyong pasan, at ang inyong pagkakaalitan?

13. Kumuha kayo sa inyo ng mga lalaking pantas, at nakakaalam, at kilala, ayon sa inyong mga lipi, at sila'y aking gagawing pangulo sa inyo.

14. At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, Ang bagay na iyong sinalita ay mabuting gawin namin.

15. Sa gayo'y kinuha ko sa inyo ang mga pangulo ng inyong mga lipi, na mga taong pantas, at kilala, at akin silang ginawang pangulo sa inyo, na mga punong kawal ng libolibo, at mga punong kawal ng mga daandaan, at mga punong kawal ng mga limangpu-limangpu, at mga punong kawal ng mga sangpu-sangpu, at mga pinuno ayon sa inyong mga lipi.

16. At aking pinagbilinan ang inyong mga hukom nang panahong yaon na sinasabi, Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid, at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kaniyang kapatid, at ang taga ibang lupa na kasama niya.

17. Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; inyong didinggin ang maliliit, na gaya ng malaki: huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagka't ang kahatulan ay sa Dios: at ang usap na napakahirap sa inyo, ay inyong dadalhin sa akin, at aking didinggin.

18. At aking iniutos sa inyo nang panahong yaon ang lahat ng mga bagay na inyong dapat gagawin.

19. At tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak yaong buong malawak at kakilakilabot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Dios sa atin, at tayo'y dumating sa Cades-barnea.

20. At aking sinabi sa inyo, Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amorrheo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

21. Narito, inilalagay ng Panginoon ninyong Dios ang lupain sa harap mo: sampahin mo, ariin mo, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang; huwag kang matakot, ni manglupaypay.

22. At kayo'y lumapit sa akin, bawa't isa sa inyo, at nagsabi, Tayo'y magsugo ng mga lalake sa unahan natin, upang kanilang kilalanin ang lupain para sa atin, at magbigay alam sa atin ng daang ating marapat sampahan, at ng mga bayang ating daratnin.

23. At ang bagay na yaon ay inakala kong magaling: at ako'y kumuha ng labing dalawang lalake sa inyo, na isang lalake sa bawa't lipi.

24. At sila'y pumihit at sumampa sa bundok, at dumating hanggang sa libis ng Escol, at kanilang tiniktikan.

25. At sila'y nagbitbit ng bunga ng lupain sa kanilang mga kamay, at kanilang ipinanaog sa atin, at sila'y nagdala ng kasagutan at nagsabi, Mabuting lupain ang ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

26. Gayon ma'y hindi kayo umakyat, kundi nanghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios.

27. At kayo'y dumaing sa inyong mga tolda, at inyong sinabi, Sapagka't kinapootan tayo ng Panginoon, ay inilabas tayo sa lupain ng Egipto, upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amorrheo, upang tayo'y lipulin.

28. Saan tayo sasampa? pinapanglupaypay ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, Ang mga tao ay malalaki at matataas kay sa atin; ang mga bayan ay malalaki at nakukutaan ng hanggang sa himpapawid; at bukod dito'y aming nakita roon ang mga anak ng mga Anaceo.

Deuteronomio 1