Daniel 11:5-17 Ang Biblia (TLAB)

5. At ang hari sa timugan ay magiging malakas, at ang isa sa kaniyang mga prinsipe; at siya'y magiging malakas kay sa kaniya, at magtataglay ng kapangyarihan; ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakilang kapangyarihan.

6. At sa katapusan ng mga taon, sila'y magpipipisan; at ang anak na babae ng hari sa timugan ay paroroon sa hari sa hilagaan upang gumawa ng pakikipagkasundo: nguni't hindi niya mapananatili ang lakas ng kaniyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nangagdala sa kaniya, at ang nanganak sa kaniya, at ang nagpalakas sa kaniya sa mga panahong yaon.

7. Nguni't sa suwi ng kaniyang mga ugat ay tatayo ang isa na kahalili niya na paroroon sa hukbo, at papasok sa katibayan ng hari sa hilagaan, at gagawa ng laban sa kanila, at mananaig.

8. At gayon din ang kanilang mga dios sangpu ng kanilang mga larawang binubo, at ng kanilang mga mainam na sisidlan na pilak at ginto ay dadalhing samsam sa Egipto; at siya'y magluluwat na ilang taon kay sa hari sa hilagaan.

9. At siya'y paroroon sa kaharian ng hari sa timugan, nguni't siya'y babalik sa kaniyang sariling lupain.

10. At ang kaniyang mga anak ay makikipagdigma, at mapipisan ng isang karamihang malaking hukbo, na magpapatuloy, at aabot, at lalagpas; at sila'y magsisibalik at makikipagdigma, hanggang sa kaniyang katibayan.

11. At ang hari sa timugan ay makikilos ng pagkagalit, at lalabas at makikipaglaban sa kaniya, sa makatuwid baga'y sa hari sa hilagaan; at siya'y maglalabas ng malaking karamihan, at ang karamiha'y mabibigay sa kaniyang kamay.

12. At ang karamihan ay madadala, at ang kaniyang puso ay magpapalalo; at siya'y magbubuwal ng libo-libo, nguni't hindi mananaig.

13. At ang hari sa hilagaan ay babalik, at maglalabas ng isang karamihan na lalong malaki kay sa una; at siya'y magpapatuloy hanggang sa wakas ng mga panahon, ng mga taon, na ma'y malaking hukbo, at maraming kayamanan.

14. At sa mga panahong yaon ay maraming magsisitayo laban sa hari sa timugan: gayon din ang mga anak na mangdadahas sa gitna ng iyong bayan ay magsisibangon upang itatag ang pangitain; nguni't sila'y mangabubuwal.

15. Sa gayo'y paroroon ang hari sa hilagaan, at gagawa ng isang bunton, at sasakop ng isang bayan na nakukutaang mabuti: at ang pulutong ng timugan ay hindi makatatayo ni ang kaniya mang piling bayan, ni magtataglay man sila ng anomang kalakasan, upang tumayo.

16. Nguni't ang dumarating laban sa kaniya, ay gagawa ng ayon sa sariling kalooban, at walang tatayo sa harap niya; at siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, at sasa kaniyang kamay ang paglipol.

17. At kaniyang itatanaw ang kaniyang mukha upang pumaroon na kasama ng lakas ng kaniyang buong kaharian, at ng mga tapat na kasama niya; at siya'y gagawa ng mga yaon: at ibibigay niya sa kaniya ang anak na babae ng mga babae, upang hamakin; nguni't siya'y hindi tatayo, ni siya'y mapapasa kaniya man.

Daniel 11