Apocalipsis 22:3-14 Ang Biblia (TLAB)

3. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;

4. At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.

5. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.

6. At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.

7. At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.

8. At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.

9. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.

10. At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon.

11. Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.

12. Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa.

13. Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.

14. Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.

Apocalipsis 22