11. At lumabas sa Jerusalem na kasama ni Absalom ay dalawang daang lalake na mga inanyayahan, at nangaparoon silang walang malay; at wala silang nalalamang anoman.
12. At pinagsuguan ni Absalom si Achitophel na Gilonita, na kasangguni ni David, mula sa kaniyang bayan, mula sa Gilo samantalang siya'y naghahandog ng mga hain. At mahigpit ang pagbabanta: sapagka't ang bayan na kasama ni Absalom ay dumadami ng dumadami.
13. At naparoon ang isang sugo kay David, na nagsasabi, Ang mga puso ng mga lalake ng Israel ay sumusunod kay Absalom.
14. At sinabi ni David sa lahat ng kaniyang mga lingkod na nasa kaniya sa Jerusalem, magsibangon kayo, at tayo'y magsitakas; sapagka't liban na rito ay walang makatatanan sa atin kay Absalom: mangagmadali kayo ng pagtakas, baka sa pagmamadali ay abutan tayo, at dalhan tayo ng kasamaan, at sugatan ang bayan ng talim ng tabak.
15. At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, Narito, ang iyong mga lingkod ay handa na gumawa ng anoman na pipiliin ng aming panginoon na hari.
16. At lumabas ang hari at ang buong sangbahayan niya na sumunod sa kaniya. At nagiwan ang hari ng sangpung babae, na mga kinakasama niya, upang magingat ng bahay.
17. At lumabas ang hari at ang buong bayan na kasunod niya: at sila'y nagpahinga sa Beth-merac.
18. At ang lahat niyang mga lingkod ay nagsidaan sa siping niya; at ang lahat na Ceretheo, at ang lahat na Peletheo, at ang lahat ng mga Getheo, na anim na raang lalake na nagsisunod sa kaniya mula sa Gath, na nangagpapauna sa hari.