17. Nang magkagayo'y tinawag niya ang kaniyang alipin na nagaalaga sa kaniya, at sinabi, Ilabas mo ang babaing ito sa harap ko, at itrangka mo ang pintuan pagkalabas niya.
18. At siya'y may suot na sarisaring kulay: sapagka't ang mga gayong kasuutan ang isinusuot ng mga anak na dalaga ng hari. Nang magkagayo'y inilabas siya ng kaniyang alipin at tinarangkahan ang pintuan pagkalabas niya.
19. At binuhusan ni Thamar ng mga abo ang kaniyang ulo, at hinapak ang kaniyang suot na sarisaring kulay na nakasuot sa kaniya; at kaniyang ipinatong ang kaniyang kamay sa kaniyang ulo, at ipinagpatuloy ang kaniyang lakad, na umiiyak ng malakas habang siya'y yumayaon.
20. At sinabi ni Absalom na kaniyang kapatid sa kaniya, Napasa iyo ba si Amnon na iyong kapatid? nguni't ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko: siya'y iyong kapatid; huwag mong isapuso ang bagay na ito. Sa gayo'y si Thamar ay nagpighati sa bahay ng kaniyang kapatid na si Absalom.
21. Nguni't nang mabalitaan ng haring si David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y totoong napoot.
22. At hindi nagsalita si Absalom kay Amnon kahit mabuti o masama man; sapagka't pinagtaniman ni Absalom si Amnon dahil sa kaniyang dinahas ang kaniyang kapatid na si Thamar.
23. At nangyari, pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagpagupit ng mga tupa si Absalom sa Baal-hasor na nasa siping ng Ephraim: at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari.
24. At naparoon si Absalom sa hari, at sinabi niya, Narito ngayon, ang iyong lingkod ay nagpapagupit ng mga tupa; isinasamo ko sa iyo na ang hari at ang kaniyang mga lingkod ay magsiyaong kasama ng iyong lingkod.
25. At sinabi ng hari kay Absalom, Huwag anak ko, huwag tayong magsiyaong lahat, baka maging mabigat na pasan sa iyo. At pinilit niya siya: gayon ma'y hindi siya yumaon, kundi binasbasan siya.
26. Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, Kung hindi isinasamo ko sa iyo, pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon. At sinabi ng hari sa kaniya, Bakit siya sasama sa iyo?
27. Nguni't pinilit siya ni Absalom, na anopa't kaniyang pinasama sa kaniya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.
28. At iniutos ni Absalom sa kaniyang mga lingkod na sinasabi, Tandaan ninyo ngayon, pagka ang puso ni Amnon ay sumaya dahil sa alak; at pagka ang aking sinabi sa inyo, Saktan ninyo si Amnon, patayin nga ninyo siya: huwag kayong mangatakot: hindi ba ako ang nagutos sa inyo? kayo nga'y magpakalakas, at magpakatapang.
29. At ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y nagsitindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay bawa't lalake sa kaniyang mula, at tumakas.